Pinalalakas ng Provincial Health Office (PHO) ng Bataan ang kampanya laban sa kakulangan sa Vitamin A sa mga bata. Hinihikayat nila ang mga magulang at tagapag-alaga na dalhin ang kanilang mga anak sa pinakamalapit na health center para sa libreng Vitamin A supplementation.
Ayon kay Provincial Health Officer Rosanna Buccahan, mapanganib ang kakulangan sa Vitamin A dahil pinahihina nito ang resistensya at maaaring magdulot ng malulubhang impeksyon o pagkabulag, kahit wala itong agad na sintomas.
Bagamat may progreso na sa pagresolba ng malnutrisyon, nananatili pa ring problema ang kakulangan sa micronutrients lalo na sa mga pamilyang mahihirap. Patuloy ang hakbang ng lalawigan upang maprotektahan ang mga bata, ngunit mahalaga ang tulong at kooperasyon ng mga magulang.
Hinihikayat din ang mga inang bagong panganak na kumuha ng Vitamin A. Ang programang ito ay bahagi ng 8-Point Action Agenda ng Department of Health (DOH) na layong paigtingin ang kalusugan at pag-iwas sa sakit sa antas-komunidad.
The post Kampanya kontra kakulangan sa Vitamin A ng mga bata, pinalalakas appeared first on 1Bataan.