Ipatutupad na simula sa ika-16 ng Abril ang ikalawang bahagi ng umento sa arawang sahod ng mga pribadong manggagawa sa Gitnang Luzon, ayon sa Regional Tripartite Wages and Productivity Board (RTWPB).
Batay sa Wage Order No. RBIII-25 na inaprubahan noong nakaraang taon, magkakaroon ng karagdagang P25 sa arawang sahod ng mga manggagawa, bilang ikalawang tranche ng kabuuang umento na P50 hanggang P66. Ang unang tranche na P25 hanggang P41 ay naipatupad na noong ika-17 ng Oktubre 2024.
Sa pagsisimula ng ikalawang tranche, magiging P550 na ang minimum wage para sa mga manggagawa sa non-agriculture establishments at P520 naman para sa mga nasa agricultural sector sa mga lalawigan ng Gitnang Luzon, maliban sa Aurora. Samantala, P540 ang itatakdang minimum wage sa retail at service establishments.
Sa lalawigan ng Aurora, magiging P500 ang arawang sahod para sa non-agricultural workers, habang P485 naman para sa mga manggagawa sa agrikultura. Ang mga nagtatrabaho sa retail at service establishments sa Aurora ay tatanggap ng P435 na arawang sahod simula Abril 16.
The post Ikalawang bahagi ng umento sa sahod, ipatutupad na appeared first on 1Bataan.