Muling kinilala ang lahat ng 13 yunit pamahalaang lokal na Pamahalaang Panlalawigan ng Bataan matapos pumasa sa 2024 Good Financial Housekeeping (GFH) ng Department of the Interior and Local Government (DILG). Ang pagkilalang ito ay sumasalamin sa kanilang dedikasyon sa tapat at responsableng pamamahala ng pondo.
Ang GFH ay isang pamantayan na sumusukat sa pagsunod ng mga lokal na pamahalaan sa mga itinakdang accounting at auditing standards, pati na rin sa Full Disclosure Policy (FDP) ng DILG. Kabilang dito ang paglalathala ng mga financial documents sa tatlong pampublikong lugar at sa FDP portal para sa lahat ng quarters ng nakaraang taon. Upang makamit ang GFH, kinakailangang makakuha ang isang LGU ng unqualified o qualified opinion mula sa Commission on Audit (COA) sa kanilang pinakahuling audit report.
Ang 100% passing rate ng mga LGU sa Bataan ay patunay ng kanilang pagsunod sa mga pamantayan ng mabuting pamamahala at transparency. Ang pagkilalang ito ay bahagi ng mas malawak na Seal of Good Local Governance (SGLG) na nagbibigay-diin sa kahusayan sa iba’t ibang aspeto ng lokal na pamahalaan, kabilang ang financial administration, disaster preparedness, social protection, at iba pa.
Patuloy na hinihikayat ng DILG ang mga lokal na pamahalaan na panatilihin at pagbutihin pa ang kanilang mga sistema ng pamamahala upang masiguro ang tapat at mahusay na serbisyo para sa kanilang mga nasasakupan.
The post Bataan LGUs, pinarangalan sa 2024 Good Financial Housekeeping appeared first on 1Bataan.