Mas pinalakas na serbisyo para sa mga magsasaka ang hatid ng bagong Rice Processing System 2 (RPS2) Warehouse na kamakailan ay binisita nina Mayor Tong Santos sa Barangay Sta. Isabel, Dinalupihan nitong Lunes.
Ayon kay Mayor Tong Santos, ang naturang pasilidad na may sukat na 1,000 square meters at tinatayang nagkakahalaga ng halos ₱20 milyon, ay bunga ng pagtutulungan ng tanggapan ni Bataan 3rd District Rep. Gila Garcia, Pamahalaang Bayan ng Dinalupihan sa pamumuno ni Mayor Santos, PhilMech, at ng Municipal Agriculture Office.
Itinatampok sa RPS2 Warehouse ang isang 2–3 tonner multi-stage rice mill na nagkakahalaga ng ₱55.7 milyon, gayundin ang dalawang 12-tonner recirculating mechanical dryers na nagkakahalaga ng tinatayang ₱8 milyon. Layunin ng proyekto na mapabilis at mas mapababa ang gastos sa mga proseso ng pag-aani, pagpapatuyo, at paggiling ng palay—isang mahalagang hakbang para sa pag-angat ng kabuhayan ng mga Dinalupiheñong magsasaka.
“Ang pasilidad na ito ay hindi lamang makatutulong sa ating mga magsasaka na mapababa ang post-harvest losses, kundi isa rin itong konkretong hakbang patungo sa makabagong agrikultura,” pahayag ni Mayor Santos.
Nagpasalamat naman si Mayor Tong Santos sa suporta ni Rep. Garcia at sa mga ahensyang katuwang sa proyekto. “Malaki ang ambag ng ganitong pasilidad sa ating layunin na gawing progresibo at self-sustaining ang sektor ng agrikultura sa Dinalupihan,” aniya.
Ang proyektong ito ay inaasahang magbibigay ng mas episyenteng serbisyo sa mga lokal na magsasaka, habang pinatitibay ang hangarin ng LGU na gawing modelo ang Dinalupihan sa modernong agrikultura sa buong Bataan.
The post Hakbang tungo sa mas modernong agrikultura sa Bataan appeared first on 1Bataan.